Thursday, December 9, 2010

Balik pagkabata - bak to beysik: Balik pagkabata - bak to beysik

Balik pagkabata - bak to beysik: Balik pagkabata - bak to beysik: "Normal lang naman akong bata tulad din ng iba , wala naman ata akong pi nagkaiba sa mga batang minsan ding naglaro, nadapa pero tumatayo pa ..."

Sunday, December 5, 2010

Kasaysayan ng Damit-Pambata

Ayon sa mga Sikolohista, mahalagang ang mga bata mismo ang dapat pumili ng kanilang mga damit.  Ito raw ay makadaragdag ng tiwala sa sarili ng mga bata.  Pero sa karaniwang pamilyang Pilipino, malimit na ang mga ina ang siyang nasusunod sa pagpili ng damit para sa kanilang mga anak.

Nabili ako ang isang aklat ukol sa kasaysayan ng mga damit-pambata sa Amerika na may pamagat na "From Rags to Riches, A History of Girls' Clothing in America" ni Leslie Sills.  Noon, wala pang konsepto ng damit para sa mga bata kaya ang mga pinasusuot sa kanila ay mga damit  tulad ng sa matatanda.  Naging dahilan ito ng pananakit ng kanilang katawan at hindi pagiging komportable.  Ipinaliwanag ng aklat ang dinaanang kasaysayan ng mga damit-pambata sa Amerika.  Nakatutuwang malaman na ang damit-pambata ay nagsasalaysay din pala ng kasaysayan ng isang bansa.

Sa aklat na ito, nagkaroon ako ng ideya upang tingnan naman ang kasaysayan ng mga damit-pambata ng mga batang Pilipino.   

Patay na Uli ang AKLAS


Bilang isang manunulat, tinitingnan ko ang AKLAS, literary folio ng The Torch Publications ng Philippine Normal University bilang isa sa pinakamahalagang salik ng aking pagpapatuloy ngayon sa pagsulat.  Nakita ko ang naging gampanin nitong makalikha ng mga manunulat mulang PNU.  Kaya ang AKLAS ang talagang hinihintay ko taon-taon na dapat ay nilalabas ng The Torch.   Sa loob ng PNU, saan pa ba maaaring ilathala at mabasa ang mga akdang pampanitikan ng mga taga-PNU?  Wala na.  Sa palagay ko, ang tunay na pagsisilbi sa mga estudyante ng PNU ay bigyan sila ng espasyo o pahina sa AKLAS na maglalathala ng kanilang mga pag-aaklas, hinaing, karanasan, at iba pa sa anyo ng tula, sanaysay, at maikling-kuwento.
Tinanong ko ang kasalukuyang Punong-Patnugot ng The Torch kung may AKLAS ba silang ilalabas ngayong taon.  Di niya ako sinagot nang tuwiran, ang sabi niya ay kulang daw sa mga akda.  Nakapagtataka ang tugon na ito.  Magkukulang sa akda ang PNU na binubuo ng mga estudyanteng napakayaman sa karanasan?   Ang sabi ko na lamang ay mag-room-to-room sila.
Di ako naniniwalang kulang sa mga akda, kulang lang ang The Torch ngayon ng sigasig upang manghikayat ng mga estudyante na magsulat para sa AKLAS.  Narito ang mga patunay ng mga akdang isinulat ng mga taga-PNU:   http://normalites.multiply.com/journal
Isang nakakahiyang mangyayari sa isang manunulat ng The Torch na sa panahon niya ay walang AKLAS na lumabas!
Patay na uli ang AKLAS!

Siyam


SIYAM ANG UNANG bilang na aking natutuhang bilangin noong bata ako. 
Alam na alam kong di kukulangin ang aking mga daliri upang mabilang ang aking mga kapatid—siyam.  Basta siyam ang bilang kapag di isinama ang isang daliri sa kamay.
Kapag may nagtatanong din kung ilan kaming magkakapatid, bigkas na bigkas ko ang salitang siyam.  Alam na alam ko ring ako ang bunso sa siyam na magkakapatid.      
Dalawa ang kambal sa aming pamilya.  Kung bibilangin ang pagbubuntis ng Nanay ko, pitong beses siyang nagbuntis at nanganak.   Pero dahil dalawa ang kambal, ang pito ay naging siyam. 
Sina Kuya Puti at Kuya Itim ang nakakatanda kong kapatid na kambal na lalake at sina Ate Rowena at Ate Sally naman ang kambal kong kapatid na babae.  
Puti at Itim ang pangalan ng unang kambal na inianak ni Nanay dahil magkaiba raw ang kulay nina Kuya Puti at Kuya Itim noong bata pa sila—maputi si Kuya Puti at maitim naman si Kuya Itim.  Galing naman daw sa laro ang pangalan nina Ate Rowena at Ate Sally ang pangalawang kambal—Rowena  puwera at Sally kasali.
            Maagang nagsipag-asawa ang mga kapatid kong babae.  Naisip ko, marahil ito ang naging paraan nila upang takasan ang kalupitan ng aking Tatay. Kung saan-saang probinsiya nanggaling ang kanilang mga napangasawa. Pinakamalayo ang napangasawa ni Ate Rowena—taga-Ilocos Sur kung kaya siya ang kapatid kong napakadalang kong makita. 
Kung gaano kaaga nagsipag-asawa ang mga kapatid kong babae, ganoon naman katanda nagsipag-asawa ang mga kapatid kong lalake.  Kaya sila ang higit na matagal na nakasama ni Tatay sa aming lumang bahay hanggang sa siya ay pumanaw noong 1988.  Pero bago pa sila nagsipag-asawa may mga ipon o naipundar na sila.
Di tulad ng ibang pamilyang malaki, di iginapang ng aming mga magulang ang pag-aaral ng aking mga kapatid.   Kaya hanggang hay skul lang ang naabot o natapos ng aking mga kapatid.  Tanging si Kuya Tuan lang na sinundan ko ang natatandaan kong talagang pinag-aral ng aking Tatay.  Dahil bukod sa may-ulo si Kuya Tuan, madalas na makasama siya ni Tatay sa pagbibiyahe at paglilinis ng dyip. 
Pero kahit walang natapos ang marami sa aking mga kapatid, dadaigin nila ang sinumang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo.  Nakapagpundar sila ng kani-kanilang pampasaherong dyip, sasakyan, babuyan, lupa, bahay, at nakapagpatapos ng kanilang mga anak sa kolehiyo.   Kaya nga ang mga kapatid ko rin ang naging inspirasyon ko upang piliting makapagtapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo.
Nagkahiwalay ang aking mga magulang sa taong bago ako ipinanganak, kaya’t nang magkaisip ako, ganoon na ang pamilyang nakamulatan ko—si Tatay nasa aming lumang bahay sa Pastol at si Nanay naman ay nasa isang maliit na kuwarto sa patahian ni Aling Conching o kaya ay nakikitira sa bahay ng mga kapatid babae kasama ako.  At may nagkaniya-kaniyang buhay na rin ang mga kapatid ko.    
Di ko alam ang karanasang magkaroon ng isang buong pamilya dahil di ko naman talaga ito naranasan sa aking buong-buhay.   Magkakahiwalay ang aking kuwento sa aking Tatay at sa aking Nanay.  Wala akong maikukuwentong magkasama sila.  Pero kahit ganito ang kinalakihang kong pamilya, wala namang naging kulang sa aking buhay-pagkabata at pagkatao.  Sa tingin ko nga, higit pang naging makulay ang aking buhay-pagkabata.  Di tulad ng ibang batang lumaki sa isang broken family, napapariwara.       
Buong-buo ako ngayon at walang anumang hinanakit sa aking mga magulang, di man kami nagkasama-samang lahat kahit sa isang retrato man lang. 
Sa tuwing maaalala ko ang aking pagbibilang sa aking mga kapatid sa aking daliri, naaalala ko kung paano ko rin pinag-aralang bigkasin ang kanilang mga pangalan.  Pagdating ko sa siyam, bibigkasin ko naman ang aking pangalan. 
Masaya na ako noon kapag nasasagot ko ang tanong ng ibang tao kung ilan kaming magkakapatid, lalo na’t namamangha ang nagtanong kapag sinabi kong siyam.  Iisa-isahin ko sa aking mga daliri ang pangalan ng aking mga kapatid. 
Siyam ang paborito bilang ko noong bata ako.  Dahil sa tuwing matatapos kong bigkasin ang kanilang mga pangalan habang ipinakikita ang bilang sa aking mga daliri, nakikita ko para na ring kaming nagkita-kita at nagkasama-samang magkakapatid!

Huwag Kang Mag-alala Bunso, Uuwi na ang Tatay!


Alam kong napakarami mong tanong nang umalis ako noong isang taon. 
At umalis akong di ko talaga naibigay sa iyong ang tama at totoong sagot.   
Di tulad ng mga takdang-aralin mo sa Math, Science, English, Filipino at Araling Panlipunan, alam na alam natin ang sagot.  Madali nating nahahanap at nakukuha ang mga sagot.  Mahusay yata ang Tatay sa Math at Science at ang iyong Nanay sa English, Filipino at Araling Panlipunan.  Wala tayong anumang problema kapag takdang-aralin mo ang ating gagawin. 
Pero alam kong marami ang mababago sa pag-alis ko. 
Di na kita maihahatid at masusundo sa iyong paaralan.  Di na ninyo ako makakasabay ng iyong Nanay sa maraming almusal, tanghalian, at hapunan.  At kung Linggo naman, di na ninyo ako makakasama sa pagsisimba at sa pagkain ng masarap na mami at siopao sa Bayan.  At di na kita matuturuang magbisikleta.  Gusto kong matutuhan mo itong mag-isa.  Gusto kong maging matatag at masikap ka sa buhay. 
Kung nalungkot ka anak, mas doble ang lungkot namin ng iyong Nanay.   Pero alam kong tutulungan mo ang iyong Nanay habang wala ako.  Tiyak na lagi ka niyang tatawagin sa iyong pangalan dahil magkapangalan tayo.  Ikaw yata ang aking Junior!  Lagi mo siyang sasamahan Bunso.   
Pero tulad ng mga takdang-aralin mo sa Math, puwede nating bawasan ang mga araw.  Sa bawat araw ng iyong paggising at pagtulog, nababawasan ang mga araw ng iyong paghihintay sa akin.  Basta, gawin mo lamang ang iyong laging ginagawa—ang mag-aral, maglaro’t magsanay magbisikleta, magbasa, makinig sa musika, tumulong sa Nanay, at iba pa.  Di mo namamalayan, kakaunti na lang ang mga araw.
   
Tulad ng iyong takdang-aralin sa Araling Panlipunan, maraming anyong-tubig at lupa ang nakapagitan sa atin—tulad ng ilog, dagat, karagatan, bundok, lawa, burol, lambak, kapatagan at iba pa, pero puwede pa rin nating itong lakbayin kahit imposible.  Puwede mo itong iguhit sa papel, puwedeng kulayan upang magkaroon ng buhay.  Puwede kang tumawag sa akin o kaya naman ay sumulat na kasingbilis ng kidlat, na makakarating at matatanggap ko agad. Mababasa natin ang iniisip ng isa’t isa sa sulat.  Maririnig natin ang ating mga boses sa isa’t isa. At mararamdaman nating di naman talaga tayo magkalayo.       

Huwag na huwag kang malulungkot Bunso dahil ayos naman ang iyong Tatay.  Nasa malayong-malayo man ako, lahat ito ay para sa ating lahat.  Di naman ako talagang titira rito habambuhay.  Sandali lang ako rito.  Siguro isipin mo lang na may binili lang ako Bayan at uuwi rin ako agad.  Magsasama uli tayo ng iyong Nanay.
Sa pagbibilang mo ng bawat natatapos na araw at paghihintay kasama ng iyong Nanay, tiyak na nakukuha mo na ang sagot kung bakit ako umalis noong isang taon at kung bakit nating kailangang isakripisyo ang maraming bagay. 
Isa lang ang tiyak na tiyak na sagot Bunso, mahal na mahal ko kayo ng iyong Nanay kung bakit ako nasa malayo at nagtatrabaho.   
Huwag kang mag-alala Bunso, malapit ng umuwi ang Tatay.  At pangako ko sa iyong hinding-hindi na ako aalis pang muli, hinding-hindi na aalis ng ating bahay. 

Balik pagkabata - bak to beysik

Normal lang naman akong bata tulad din ng iba , wala naman ata akong pi nagkaiba sa mga batang minsan ding naglaro, nadapa pero tumatayo pa din ng hindi umiiyak. Minsan na din akong naging taya sa langit at lupa na nilalaro namin noon, sa tumbang preso na lata pa ng sardinas ang gamit, luksong tinik na minsan ay nasusundot pa ko kasi mahilig akong magmagaling, at ang pinakagusto kong laro "bahay-bahayan" hindi dahil sa pusong babae ako pero gusto ko kasi ako lagi ang ama tapos andami ko asawa haha nakakatawa talaga. Kumain na din ako ng pritos ring na nilalagay pa namin noon sa dulo ng daliri, ewan ko ba kung pano nauso yun pero nakiuso nadin ako kaysa naman ma "OP" ako no? Minsan pa nga pag natripan ko talaga kumakanta pa ko sa harap ng electric fan, pakiramdam ko kasi nagiging maganda ang boses ko pag ganun. Nakapanood na din pala ako noon ng dragon ball Z na si gokou pa ang bida hanep talaga ang cartoon na yun! all time favorite nga namin yun ng mga kalaro ko minsan ginagaya-gaya pa namin, nilalagayan namin ng gel yung buhok namin tsaka itataas para magmukhang super-sayan, naalala ko pa din yung Voltes five yung robot na parang lego nabubuo lang galing sa limang sasakyan, ginagaya din namin yun dati tapos kawayan ang gamit naming lazer sword at ang kalaban namin mga pusa. Tapos kapag araw naman ng mga patay parang pasko naman samin ng mga tropa ko yun, kasi doon kami nakakapanood ng mga horror movies na libre pa sa MGB o magandang gabi bayan, ang alam ko isa iyong balitaan na palabas na katumbas ng TV patrol ngayon, ewan ko ba kung bakit tuwing pista ng patay ay nagiging horror movies ang pinapalabas doon pero ayos na din kasi natutuwa ako kapag natatakot ako, naintindihan niyo ba? ah basta ganun ako eh. Mas masaya kapag magpapasko na lalo na sa simbang gabi, kasi parang hindi naman talaga pagsisimba ang habol namin noon kundit simbang tingin, tumitingin lang kasi kami at nagpapacute pag may mga seksing dumaraan sa harap namin. Masaya din kapag Noche Buena, kasi napakaraming pagkain tapos andami din regalong binubuksan dati nga may nagregalo sakin ng walkman at ansaya-saya ko na noon kasi ako lang ay may ganun sa lugar namin at syempre mahilig akong magpasikat kaya inggit na inggit sila sakin. Araw na ng bagong taon yipee! isa ito sa pinakamasayang araw din sakin kasi pinapayagan ako na magpaputok ng fivestar, kaso ayaw ko na ulitin yun minsan na kasi akong naputukan nun at ansakit buti na lang di ako nabawasan ng daliri. Haixt june na naman araw na ng pasukan pero sa totoo lang excited ako pag sa mga unang lingo ng pasukan kasi syempre pasikatan time na naman pero kapag medyo kalagitnaan na ng grading period nakakatamad na panu kasi dami ginagawa, pero kahit tamad ako lagi din naman ako nasasama sa top 10 at nung 4th year nga ako naging top 3 pa ko kaya antaas ng tingin ko sa sarili ko (feeling pinakamatalino sa buong mundo).

 Nang ako ay makatuntong naman ng  hayskul, hindi padin ako nagbabago asal bata padin ako. Minsan nga ay naglalaro pa din kami ng taya-tayaan sa loob pa mismo ng klase. Dito na din ako nung hayskul natutong manligaw "Chickboy" pa nga ang codeneym sakin, eh kasi naman mahiyain ako lalo na pagdating sa mga crush, di ko talaga kayang makipagtitigan kapag may crush ako. Natatandaan ko pa yung una akong nag ka "syota" (as in short time)  eh isang araw ko lang niligawan sa cellphone pa pero pagkalipas ng isang linggo break agad haha wala lang hindi pa naman ganun ka matured ang isip ko para mag-emo.  Basta noong mga panahong iyon parang naging hobby ko yung manligaw minsan nga eh kahit may sumagot na sakin nun ay nanliligaw pa din ako kaya ang resulta, hayun mag-asawang sampal ang inabot ko. Lalong naging maangas siguro ko noong nagkaroon ako ng banda at nagkataong nanalo pa kami sa "battle of the bands" sa aming paaralan. Tuloy halos lingo-lingo mayroon akong syota. Pero pagtuntong ko ng 4th yr, dito na medyo naging seryoso ako hindi lang sa pag-aaral kundi pati na sa ugali ko. Paunti-unti pinipigilan ko ang sarili ko. Hanggang sa pagtuntong ko na ng college ay naging stick to one na ako sa girlfriend ko ngayon at nawala na din ang bandang sinalihan ko dati panu kasi pulos masasama lang ang nakuha ko sa mga tropa ko dun pero masaya ding memories yun sakin kasi doon ko naramdaman ang pag-ibig ng mga kaibigan na  hindi ko naramdaman sa papa ko. 

At noong maghahanap na ko ng unibersidad na mapapasukan napakakampante ko kasi nga feeling ko ako na lang ang matalino kaya ng nag take ako ng exam sa U.P di na ko nag take sa iba pang unibersidad kundi doon lang kaya ayun bumagsak ako pero point 2 nalang naman eh pasado na, kung pede lang sana magmakaawa na isama na ko sa mga pumasa hayz sayang talaga. Pero sa tingin ko ang Diyos na din ang gumawa ng paraan para bumagsak ako pero hindi bilang ganti sa akin kundit para  malaman ko ang pagkakamali ko. Kaya sumubok na ako mag-exam muli at dito ako napadpad sa PNU. Hanggang sa ayon pumasa naman ako at napag-alaman ko din na edukayon ang hinahasa nilang kurso dito. At nang makapasok na ako dito ay may problema pa din pala. Kasi dalawang beses pala ang exam meron na nga sa entrance meron padin pagdating sa kurso o iyong imemedyor mo. Kaya pinili ko ang math kasi alam ko na ito talaga ang gusto ko kahit na mahirap kakayanin ko.