Sunday, December 5, 2010

Siyam


SIYAM ANG UNANG bilang na aking natutuhang bilangin noong bata ako. 
Alam na alam kong di kukulangin ang aking mga daliri upang mabilang ang aking mga kapatid—siyam.  Basta siyam ang bilang kapag di isinama ang isang daliri sa kamay.
Kapag may nagtatanong din kung ilan kaming magkakapatid, bigkas na bigkas ko ang salitang siyam.  Alam na alam ko ring ako ang bunso sa siyam na magkakapatid.      
Dalawa ang kambal sa aming pamilya.  Kung bibilangin ang pagbubuntis ng Nanay ko, pitong beses siyang nagbuntis at nanganak.   Pero dahil dalawa ang kambal, ang pito ay naging siyam. 
Sina Kuya Puti at Kuya Itim ang nakakatanda kong kapatid na kambal na lalake at sina Ate Rowena at Ate Sally naman ang kambal kong kapatid na babae.  
Puti at Itim ang pangalan ng unang kambal na inianak ni Nanay dahil magkaiba raw ang kulay nina Kuya Puti at Kuya Itim noong bata pa sila—maputi si Kuya Puti at maitim naman si Kuya Itim.  Galing naman daw sa laro ang pangalan nina Ate Rowena at Ate Sally ang pangalawang kambal—Rowena  puwera at Sally kasali.
            Maagang nagsipag-asawa ang mga kapatid kong babae.  Naisip ko, marahil ito ang naging paraan nila upang takasan ang kalupitan ng aking Tatay. Kung saan-saang probinsiya nanggaling ang kanilang mga napangasawa. Pinakamalayo ang napangasawa ni Ate Rowena—taga-Ilocos Sur kung kaya siya ang kapatid kong napakadalang kong makita. 
Kung gaano kaaga nagsipag-asawa ang mga kapatid kong babae, ganoon naman katanda nagsipag-asawa ang mga kapatid kong lalake.  Kaya sila ang higit na matagal na nakasama ni Tatay sa aming lumang bahay hanggang sa siya ay pumanaw noong 1988.  Pero bago pa sila nagsipag-asawa may mga ipon o naipundar na sila.
Di tulad ng ibang pamilyang malaki, di iginapang ng aming mga magulang ang pag-aaral ng aking mga kapatid.   Kaya hanggang hay skul lang ang naabot o natapos ng aking mga kapatid.  Tanging si Kuya Tuan lang na sinundan ko ang natatandaan kong talagang pinag-aral ng aking Tatay.  Dahil bukod sa may-ulo si Kuya Tuan, madalas na makasama siya ni Tatay sa pagbibiyahe at paglilinis ng dyip. 
Pero kahit walang natapos ang marami sa aking mga kapatid, dadaigin nila ang sinumang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo.  Nakapagpundar sila ng kani-kanilang pampasaherong dyip, sasakyan, babuyan, lupa, bahay, at nakapagpatapos ng kanilang mga anak sa kolehiyo.   Kaya nga ang mga kapatid ko rin ang naging inspirasyon ko upang piliting makapagtapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo.
Nagkahiwalay ang aking mga magulang sa taong bago ako ipinanganak, kaya’t nang magkaisip ako, ganoon na ang pamilyang nakamulatan ko—si Tatay nasa aming lumang bahay sa Pastol at si Nanay naman ay nasa isang maliit na kuwarto sa patahian ni Aling Conching o kaya ay nakikitira sa bahay ng mga kapatid babae kasama ako.  At may nagkaniya-kaniyang buhay na rin ang mga kapatid ko.    
Di ko alam ang karanasang magkaroon ng isang buong pamilya dahil di ko naman talaga ito naranasan sa aking buong-buhay.   Magkakahiwalay ang aking kuwento sa aking Tatay at sa aking Nanay.  Wala akong maikukuwentong magkasama sila.  Pero kahit ganito ang kinalakihang kong pamilya, wala namang naging kulang sa aking buhay-pagkabata at pagkatao.  Sa tingin ko nga, higit pang naging makulay ang aking buhay-pagkabata.  Di tulad ng ibang batang lumaki sa isang broken family, napapariwara.       
Buong-buo ako ngayon at walang anumang hinanakit sa aking mga magulang, di man kami nagkasama-samang lahat kahit sa isang retrato man lang. 
Sa tuwing maaalala ko ang aking pagbibilang sa aking mga kapatid sa aking daliri, naaalala ko kung paano ko rin pinag-aralang bigkasin ang kanilang mga pangalan.  Pagdating ko sa siyam, bibigkasin ko naman ang aking pangalan. 
Masaya na ako noon kapag nasasagot ko ang tanong ng ibang tao kung ilan kaming magkakapatid, lalo na’t namamangha ang nagtanong kapag sinabi kong siyam.  Iisa-isahin ko sa aking mga daliri ang pangalan ng aking mga kapatid. 
Siyam ang paborito bilang ko noong bata ako.  Dahil sa tuwing matatapos kong bigkasin ang kanilang mga pangalan habang ipinakikita ang bilang sa aking mga daliri, nakikita ko para na ring kaming nagkita-kita at nagkasama-samang magkakapatid!

No comments:

Post a Comment