Sunday, December 5, 2010

Huwag Kang Mag-alala Bunso, Uuwi na ang Tatay!


Alam kong napakarami mong tanong nang umalis ako noong isang taon. 
At umalis akong di ko talaga naibigay sa iyong ang tama at totoong sagot.   
Di tulad ng mga takdang-aralin mo sa Math, Science, English, Filipino at Araling Panlipunan, alam na alam natin ang sagot.  Madali nating nahahanap at nakukuha ang mga sagot.  Mahusay yata ang Tatay sa Math at Science at ang iyong Nanay sa English, Filipino at Araling Panlipunan.  Wala tayong anumang problema kapag takdang-aralin mo ang ating gagawin. 
Pero alam kong marami ang mababago sa pag-alis ko. 
Di na kita maihahatid at masusundo sa iyong paaralan.  Di na ninyo ako makakasabay ng iyong Nanay sa maraming almusal, tanghalian, at hapunan.  At kung Linggo naman, di na ninyo ako makakasama sa pagsisimba at sa pagkain ng masarap na mami at siopao sa Bayan.  At di na kita matuturuang magbisikleta.  Gusto kong matutuhan mo itong mag-isa.  Gusto kong maging matatag at masikap ka sa buhay. 
Kung nalungkot ka anak, mas doble ang lungkot namin ng iyong Nanay.   Pero alam kong tutulungan mo ang iyong Nanay habang wala ako.  Tiyak na lagi ka niyang tatawagin sa iyong pangalan dahil magkapangalan tayo.  Ikaw yata ang aking Junior!  Lagi mo siyang sasamahan Bunso.   
Pero tulad ng mga takdang-aralin mo sa Math, puwede nating bawasan ang mga araw.  Sa bawat araw ng iyong paggising at pagtulog, nababawasan ang mga araw ng iyong paghihintay sa akin.  Basta, gawin mo lamang ang iyong laging ginagawa—ang mag-aral, maglaro’t magsanay magbisikleta, magbasa, makinig sa musika, tumulong sa Nanay, at iba pa.  Di mo namamalayan, kakaunti na lang ang mga araw.
   
Tulad ng iyong takdang-aralin sa Araling Panlipunan, maraming anyong-tubig at lupa ang nakapagitan sa atin—tulad ng ilog, dagat, karagatan, bundok, lawa, burol, lambak, kapatagan at iba pa, pero puwede pa rin nating itong lakbayin kahit imposible.  Puwede mo itong iguhit sa papel, puwedeng kulayan upang magkaroon ng buhay.  Puwede kang tumawag sa akin o kaya naman ay sumulat na kasingbilis ng kidlat, na makakarating at matatanggap ko agad. Mababasa natin ang iniisip ng isa’t isa sa sulat.  Maririnig natin ang ating mga boses sa isa’t isa. At mararamdaman nating di naman talaga tayo magkalayo.       

Huwag na huwag kang malulungkot Bunso dahil ayos naman ang iyong Tatay.  Nasa malayong-malayo man ako, lahat ito ay para sa ating lahat.  Di naman ako talagang titira rito habambuhay.  Sandali lang ako rito.  Siguro isipin mo lang na may binili lang ako Bayan at uuwi rin ako agad.  Magsasama uli tayo ng iyong Nanay.
Sa pagbibilang mo ng bawat natatapos na araw at paghihintay kasama ng iyong Nanay, tiyak na nakukuha mo na ang sagot kung bakit ako umalis noong isang taon at kung bakit nating kailangang isakripisyo ang maraming bagay. 
Isa lang ang tiyak na tiyak na sagot Bunso, mahal na mahal ko kayo ng iyong Nanay kung bakit ako nasa malayo at nagtatrabaho.   
Huwag kang mag-alala Bunso, malapit ng umuwi ang Tatay.  At pangako ko sa iyong hinding-hindi na ako aalis pang muli, hinding-hindi na aalis ng ating bahay. 

No comments:

Post a Comment